MANILA, Philippines- Sinabi ng negosyanteng si Tony Yang, anak ni dating economic adviser Michael Yang, nitong Martes na umupa ito ng lugar sa government-owned PHIVIDEC upang pagtaguan ng kanyang steel products.
Inihayag ito ni Yang nang tanugin ni Senator Risa Hontiveros ukol sa pagkakakilanlan ng indibidwal na nagbigay sa kanya ng permiso na itago ang kanyang private wares sa loob ng isang government facility.
“This area by PHIVIDEC is the one that we rented… so that’s why we are allowed to put in our products there,” ani Yang sa Senate probe sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators.
Sinabi ni Yang na nakakausap niya ang isang indibidwal na tinatawag na “Tonghai” sa PHIVIDEC.
Inihayag naman ni Hontiveros na iimbitahan ng Senado ang PHIVIDEC para sa susunod na Senate hearing.
Nauna nang sinabi ni Yang na nakatago ang kantang steel products sa loob ng isang pabrika sa Philippine Sanjia Steel Corp.
Nang tanungin kung saan matatagpuan ang pabrika, sinabi ni Yang na ito ay sa isang “economic development area.”
Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang PHIVIDEC ukol dito. Ang PHIVIDEC Industrial Authority office sa Metro Manila ay matatagpuan sa Makati City, habang ang provincial office nito ay nasa Tagoloan, Misamis Oriental.
Naaresto si Yang, kilala bilang Yang Jian Xin at Antonio Lim, ng mga awtoridad noong nakaraang linggo sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inamin niyang ipinanganak siya sa China. Wika pa niya, tinulungan siya ng kanyang lolo na makakuha ng birth certificate at ginawa ito para sa “convenience for business” sa Pilipinas. RNT/SA