MANILA, Philippines – Sa patuloy na kampanya laban sa kriminalidad ay nadakip ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng District Mobile Force Battalion (DMFB), District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District (SPD) at ng Makati City Warrant and Subpoena Section (WSS) ang top 1 most wanted person (MWP) ng station level sa Makati City nitong Huwebes ng hapon, Hunyo 19.
Kinilala ng bagong talagang SPD director P/Brig. Gen. Randy Y. Arceo ang inarestong suspek na si alyas Carlos, 63, tricycle driver, residente ng Barangay Olympia, Makati City.
Base sa report na natanggap ni Arceo, naganap ang pagdakip sa suspek bandang alas 4:35 ng hapon sa intersection ng JP Roxas at Hormiga Streets, Barangay Olympia, Makati City.
Si alyas Carlos ay wanted sa kasong qualified rape sa ilalim ng Paragraph 1(a) ng Article 266-A kaugnay sa Article 266-B ng Revised Penal Code na walang kaukulang piyansa.
Naipatupad ang pagdakip sa suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Hunyo 16, 2025 ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Jacob M. Montesa II ng Branch 63.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang suspek habang naghihintay ng commitment order mula sa korte para sa kanyang paglipat ng pagkukulungan sa Makati City jail.
“The swift and coordinated execution of this operation is a testament to our commitment to deliver justice and protect the public. We will continue to pursue those who attempt to evade the law,” ani Arceo. James I. Catapusan