Home NATIONWIDE Mga estudyante inihahanda sa hinaharap sa ‘Digital bayanihan’ – Angara

Mga estudyante inihahanda sa hinaharap sa ‘Digital bayanihan’ – Angara

MANILA, Philippines – Iginiit ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng “digital bayanihan” ng pamahalaan at iba’t ibang sektor para maabot at mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral sa mga last-mile school sa bansa.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Hunyo 19, sinabi ni Angara na ang ganitong hakbang ay nagbibigay ng pag-asa at mas magandang kinabukasan sa mga kabataang nasa malalayong lugar.

“This is digital bayanihan in action. When we connect our schools, we connect our students to better futures,” ani Angara.

Ang pahayag ay kasunod ng pagbisita ng DepEd at National Electrification Administration (NEA) sa Datu Saldong Domino Elementary School sa Sitio Tagpange, Barangay Simbalan, Buenavista, Agusan del Norte para sa pilot launch ng pagbibigay ng kuryente sa off-grid schools gamit ang solar panels mula sa NEA.

Tumawid pa ng dalawang ilog sina Angara at mga opisyal para marating ang paaralan—ang kauna-unahang last-mile school sa bansa na napailawan sa ilalim ng programang ito.

“Kahit malayo, kahit mahirap, tutulungan natin. Iyan ang instruction ni President Bongbong Marcos,” ani Angara.

Aniya, 290 pang paaralan ang susunod sa proyekto, kung saan ang pondo ay mula sa DepEd at ipatutupad ng NEA.

Namahagi rin si Angara ng mga kagamitan gaya ng Starlink units, tablets, smart TVs, electric fans, at iba pang learning devices.

Kasabay nito, patuloy rin ang koordinasyon ng DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para tiyaking hindi mapag-iiwanan sa internet connectivity ang mga paaralang nasa liblib na lugar.

Sa ngayon, may 15 last-mile schools na sa buong bansa ang may koneksyon na ng internet. Ito ay ang Radagan Elementary School sa Ilocos Norte; Chanarian Elementary School sa Batanes; Tibagan Elementary School sa Bulacan; Caigdal National High School sa Quezon; Ulanguan Elementary School sa Marinduque; Lipata Integrated School sa Camarines Sur; Bay-ang National High School sa Iloilo; Salamanca National High School sa Cebu; Tigbawan Integrated School sa Leyte; Pag-asa Elementary School sa Tawi-Tawi; Dalingap Elementary School sa Misamis Occidental; Malungon Elementary School sa North Cotabato; Cabawa Elementary School sa Surigao del Norte; Datu Saldong Domino Elementary School sa Agusan del Norte; at Tangalan National High School sa Apayao. RNT/JGC