ILOCOS SUR- Hindi nakaligtas sa kalawit ni kamatayan ang isang 36-anyos na lalaki matapos bumangga sa steel barricade ang minamaneho nitong motorsiklo sa national highway sa Brgy. Angkileng, Sta. Lucia ng lalawigang ito bandang 1:38 ng madaling-araw ngayong Biyernes, Hunyo 20.
Ayon sa Sta. Lucia MPS, ang biktima ay residente ng Brgy. Sidaoen, Sta. Cruz, Ilocos Sur.
Nakasakay ng Yamaha Mio motorcycle ang biktima at bumibiyahe papuntang timog na direksyon.
Pagdating nito sa pakurbang bahagi ng highway ay biglang bumangga ang kanyang motorsiklo sa steel barricade na nasa gilid ng highway.
Dahil dito, nagtamo ng severe head injuries ang biktima na agad na isinugod sa Sta. Lucia District Hospital.
Ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang biktima ay nakainom nang mangyari ang insidente. ROLANDO S. GAMOSO