Arestado ng mga tauhan ng Makati City police ang top 2 most wanted person (MWP) sa ikinasang manhunt operation Martes ng hapon, Enero 21.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director PBGEN Manuel Abrugena ang nadakip na suspect na si alyas Ronald, 23, sushi chef, tubong Port Lamon, Surigao del Sur, Caraga.
Base sa report na natanggap ni Abrugena, naganap ang pag-aresto ng mga miyembro ng Station Intelligence Section (SIS) na binigyang suporta ng mga tauhan ng Bangkal Substation at Bunawan Municipal Police Station kay alyas Ronald dakong ala 1:20 ng hapon sa Swingfire Street, Post Proper Southside, Taguig City.
Sinabi ni Abrugena na si alyas Ronald ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5(B) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Ayon pa kay Abrugena, ang pag-aresto kay alyas Ronald ay naisakatuparan sa bisa ng inilabas na warrant of arrest noong Oktubre27, 2021 ni Regional Trial Court (RTC) Acting Presiding Judge Ambrosio N. Moleta ng Tenth Judicial Region, Branch 55, Trento, Agusan del Sur na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng ₱200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SIS ang suspect habang inaayos ang mga dokumento para sa pagturnover nito sa pangangalaga ng Bulawan police station.
Pinuri naman ni Abrugena ang Makati City police sa pagkakadakip sa suspect at nagsabing “This arrest highlights the dedication and resolve of our police force to uphold the law and protect our most vulnerable citizens. The safety and well-being of children remain a top priority.” (James I. Catapusan)