ILOCOS SUR-Patay ang isang 28-anyos na pulis matapos malunod sa ilog sa Sitio Malamiis, Baballasioan, Sta. Maria, Ilocos Sur kagabi.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Pat Arcie Barcena Maliongan, residente ng Brgy. Kili, Tubo, Abra, PNP member, naka-assign sa 2nd PMFC, Abra Police Provincial Office.
Sa imbestigasyon, bandang 7:00 kagabi ay nagpunta ang biktima kasama ang isa pang pulis sa Baballasioan river para manghuli ng isda.
Bandang 9:00 ng gabi ay lumitaw ang biktima sa pagkakasisid sa ilog para lumanghap ng hangin pero sumisid uli para sa last dive bago umahon at umuwi.
Makalipas ang ilang minuto, napansin ng kasama nito na hindi pa lumilitaw ang biktima kaya hinanap niya ito hanggang sa makita niya ang biktima na nasa riverbed na hindi gumagalaw o walang malay.
Nang maiahon niya ang biktima ay agad niya itong binigyan ng first aid at CPR.
Agad siyang humingi ng tulong sa mga kasamahan nila sa Abra PPO at sa Sta. Maria Municipal Police Station.
Humingi rin siya ng tulong sa MDRRMO-Sta. Maria.
Ang biktima ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Narvacan, Ilocos Sur.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso