MANILA, Philippines – Sa tulong ng isang confidential informant ay naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at ng Station Intelligence Section (SIS) ng Las Pinas City police ang top 5 at top 6 most wanted person (MWP) sa isinagawang magkahiwalay na operasyon sa lungsod.
Kinilala ni Las Pinas police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla ang mga nadakip na mga suspek na sina alyas Jorge, 33, top 6 MWP na may kasong lascivious conduct sa ilalim ng RA 7610; at si alyas Imaw, 18, top 5 MWP, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Law).
Si alyas Jorge ay inaresto sa Brgy. Manuyo Uno, Las Pinas City, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Cavite Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Jean Susan V. Desuasido-Gill ng Branch 131, Trece Martires City, na may kaakibat na rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng P200,000.
Inaresto din sa lungsod sa pamamagitan ng pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay alyas Imaw kung saan napagkalooban naman din ito ng korte ng rekomendasyon ng pagpiyansa sa halagang P300,000 para sa kanyang pansamantlang kalayaan.
Sa kasalukuyan ay pansamantalang nasa kustodiya ng Las Pinas City police ang mga nadakip na suspects habang hinihintay ang commitment order na manggagaling sa korte para sa paglilipat ng lugar ng kanilang pagkukulungan. James I. Catapusan