Home NATIONWIDE Top #7 MWP sa Isabela sa kasong rape, kalaboso

Top #7 MWP sa Isabela sa kasong rape, kalaboso

TUMAUINI, Isabela – Kalaboso ang tinaguriang Top #7 Most Wanted Person o TMWP sa probinsya ng Isabela na akusado sa kasong statutory rape matapos isilbi ang kanyang warrant of arrest ng pulisya sa sa Brgy. Compania, Tumauini, Isabela

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Melchor Aggabao, hepe ng Tumauini, Isabela kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang suspek ay kinilalang si alyas “Pepito,” ay natunton at naaresto sa bisa ng Mandamiento De Aresto na inisyu noong Oktubre 18, 2024 sa kasong statutory rape (2 counts) walang inirekomendang piyansa para sa bawat bilang ng kanyang kaso, na nag-ugat sa malagim na krimeng isinampa laban sa kanya.

Pinangunahan ng Tumauini Police Station ang operasyon, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU-IPPO), Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU-IPPO), 1st Isabela Provincial Mobile Force Company (1st IPMFC), at Provincial Intelligence Team (PIT Isabela) sa matagumpay na operasyon sa pagdakip sa mga nagkasala sa batas.

Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang dukomentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan.

Kaugnay nito, pinuri ni PCol. Bauding ang propesyonalismo at dedikasyon ng mga kasapi ng pulisya sa matagumpay na pagsasakatuparan ng naturang operasyon.

“Ang tagumpay na ito ay patunay ng ating walang sawang pagsisikap na sugpuin ang kriminalidad at tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan,” dagdag na pahayag ni PCol. Bauding. Rey Velasco