ANTIPOLO CITY, Philippines – Higit sa P900,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa Antipolo City, Rizal, nitong Linggo.
Sa operasyon, inaresto ang isang high-value target na si alias Joel, na tinukoy bilang tagapamahala ng drug den. Nakatakas naman ang dalawang kasamahan nito: isang Korean-American na si alias Choi Minsoo at alias Pai.
Nakumpiska mula sa lugar ang humigit-kumulang 300 gramo ng shabu, tatlong plastic bottle ng liquid shabu, controlled precursors and essential chemicals (CPECs), iba’t ibang drug paraphernalia, at buy-bust money.
Matapos mahuli ang isa sa mga suspek at makuha ang mga ebidensya, agad na dinismantle ng mga operatiba ang drug den.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Sections 5, 26(b), 8, 10, at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA Regional Office 4A Special Enforcement Team 1 & 2, PDEA Rizal Provincial Office, at Rizal Provincial Intelligence Team. /Mary Anne Sapico