Home NATIONWIDE Topacio umaasa sa paggawad kay Teves ng political asylum sa Timor-Leste

Topacio umaasa sa paggawad kay Teves ng political asylum sa Timor-Leste

MANILA, Philippines- Sinabi ng abogado ng pinatalsik na mambabatas at puganteng si Arnolfo Teves Jr. nitong Martes na umaasa siyang gagawaran ang kanyang kliyente ng political asylum o refugee status sa Timor-Leste, sa gitna ng pagtutulak ng Philippine government na i-deport ito.

Binanggit ng abogadong si Ferdinand Topacio ang umano’y “political persecution” ng gobyerno ng Pilipinas kay Teves, na nahaharap sa ilang kaso sa bansa kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam pa noong March 2023.

Tinukoy din si Teves bilang terorista ng Anti-Terrorism Council noong August 2023. Dahil dito, nagkaroon ng awtoridad ang Anti-Money Laundering Council na i-freeze ang mga asset nito.

“He is not being prosecuted in the normal process. He is being persecuted with the end view of pinning him down, notwithstanding the constitutional guarantees of the presumption of innocence,” giit ni Topacio sa isang panayam.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Timor-Leste police si Teves matapos siyang maaresto ng mga awtoridad noong nakaraang buwan sa Dili habang naglalaro ng golf.

Sinisikap na ng Interpol national central bureaus ng Dili at Manila at ng Philippine Embassy sa Dili na maikasa ang extradition ni Teves.

Hinikayat naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong nakaraang linggo si Teves na bumalik na sa Pilipinas at “face the court squarely.”

“Let us stop playing hide and seek with the law, one cannot evade accountability for eternity,” pahayag ni Remulla.

“Prolonging your liabilities with the rule of law only worsens your predicament,” dagdag ng kalihim. RNT/SA