Home METRO Topnotcher na konsehal sa Distrito 2 sa Maynila kumpiyansang makakaupo sa pwesto

Topnotcher na konsehal sa Distrito 2 sa Maynila kumpiyansang makakaupo sa pwesto

198
0

MANILA, Philippines- “Huwag kayong mag-alala, hindi masasayang ang boto ninyo sa amin ni Mayor Isko.”

Ito ang kumpiyansang pahayag ni Manila 2nd District Councilor Darwin Sia makaraang masuspinde ang kanyang proklamasyon ng Commission on Election (Comelec) bilang nagwaging kandidato, hanggang sa oras na mailabas ang inihain niyang Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema.

Si Sia, na kabilang sa “Yorme’s Choice” ni Mayor-elect Isko Moreno Domagoso na nakahakot ng pinakamaraming boto sa ikalawang distrito, ay kabilang sa 19 na nagwaging kandidato na sinuspinde ang proklamasyon bunga ng kinakaharap na kaso.

Matatandaang nauna nang kinatigan ng Comelec en banc ang kanselasyon ng certificate of candidacy (COC) ni Sia bunga ng umano’y material misrepresentation o hindi paglalagay na siya ay nahatulan sa kasong paglabag sa Anti-Pilferage Act na may katapat na parusang pagmumulta ng P10,000.

Sa ginawang Facebook live ni Sia, pinasalamatan nito ang mga taga-distrito dos na aniya ay matatalinong mga residente na hindi inalintana ang ginawang paninira sa kanya at sa halip, sinuri at tiningnan ang mga nagawa ng isang public servant na nagseserbisyo at naglilingkod kahit hindi panahon ng halalan.

“Kayo po ang nagtaas ng antas ng pagpili ng mga manunungkulan po dito sa ating distrito at sa buong Maynila. Hindi ko inaasahang mag-number one tayo sa kabila ng mga paninira at patuloy na naninira hanggang ngayon,” pahayag ni Sia.

Iginiit pa ni Sia na kinikilala ng Comelec ang kanyang pagkapanalo sa pamamagitan ng ipinakitang sertipiko na may lagda ng mismong Chairperson, Vice Chairperson at isa pang miyembro ng Comelec at ang tanging kulang na lang ay ang proklamasyon.

“Naniniwala tayo na makakakuha po tayo ng TRO. Sa ating muling pag-upo, mas gagalingan ko pa po ang pagtatrabaho at pagkakaloob ng wastong serbisyo kahit hindi panahon ng halalan,” sabi pa ni Sia. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here