Home NATIONWIDE SC: Mas mabigat na parusa maaaring ipataw sa akusado kapag umapela sa...

SC: Mas mabigat na parusa maaaring ipataw sa akusado kapag umapela sa hatol

MANILA, Philippines- Iginiit ng Supreme Court na kapag ang isang akusado ay inapela ang hatol sa kasong kriminal, ang buong kaso ay muling bubuksan na nagpapahintulot sa korte na suriin ang lahat ng aspeto nito at magpataw ng mas mabigat na parusa.

Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., tinanggihan ng En Banc ng Korte Suprema ang apela na inihain ni XXX. Hinatulan siyang guilty ng Korte sa panggagahasa at tangkang panggagahasa sa halip na unjust vexation at siya ay pinatawan ng mas mabigat na parusa.

Taong 2013 nang unang abusuhin ng kanyang ama na si XXX ang noo’y 16 taong gulang na babae. Hindi siya nakapalag. Pero sa ikalawang pagkakataon, nakapanlaban siya nang magtangkang pumatong ang ama sa kanya.

Guilty sa panggagahasa ang hatol ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) kay XXX para sa unang insidente ngunit hinatulan lamang siya ng unjust vexation para sa pangalawang insidente.

Kinatigan ng Korte ang hatol kay XXX para sa unang insidente dahil naroroon ang lahat ng elemento ng panggagahasa. Ang panggagahasa sa ilalim ng Article 266-A(1)(A) ng Revised Penal Code ay ginagawa kapag ang isang lalaki ay nakipagtalik sa isang babae sa pamamagitan ng pwersa, pagbabanta, o pananakot.

Pero sa pangalawang insidente, hindi sumang-ayon ang Korte sa RTC at CA at sinabing napatunayang nagkasala si XXX sa tangkang panggagahasa na may mas mabigat na parusa kaysa sa unjust vexation. Ang ginawa ni XXX na nakalabas ang ari at sinubukang patungan ang biktima ay nagpapahiwatig na sinadya niyang halayin ito.

Sa pagpataw ng mas mabigat na parusa sa akusado, inabandona ng desisyong ito ang naunang doktrina sa People v. Balunsat na nagbabawal sa isang nagsusuri na hukuman na taasan o dagdagan ang parusa sa apela upang protektahan ang akusado mula sa double jeopardy.

Sa 2010 na kaso ng People v. Balunsat, sinabi ng Korte na hindi na nito marerepaso ang desisyon ng CA na i-downgrade ang conviction mula sa tangkang panggagahasa patungo sa acts of lasciviousness dahil ito ay katumbas sa pagpapawalang-sala sa mas seryosong kaso. Binigyang-diin nito na ang pagpapawalang-sala ay kaagad na pinal at hindi maaaring iapela.

Sa kasalukuyang kaso, sinabi ng Korte na ang Balunsat ay hindi tama sa paggamit ng karapatan ng akusado laban sa double jeopardy. Kapag ang akusado ay nag-apela ng isang hatol, isinusuko niya ang karapatang ito at binubuksan ang buong kaso para sa pagsusuri, kabilang ang posibilidad ng pagpataw ng mas mabigat na parusa.

Si XXX ay pinatawan ng maximum na 40 taong pagkakakulong para sa panggagahasa at hanggang 12 taon naman para sa tangkang panggagahasa. Inutusan din siyang magbayad ng P300,000 bilang danyos. Teresa Tavares