MANILA, Philippines – Hiniling ni Sen. Loren Legarda sa publiko na huwag magbigay ng hindi makatwirang konklusyon tungkol sa kanyang medical leave at pagbiyahe sa ibang bansa.
Kinumpirma ni Legarda na naghain siya ng pormal na medical leave sa Senado mula Agosto 3 hanggang 5, 2026, alinsunod sa mga patakaran ng Senado.
Ayon sa kanya, hindi dapat iugnay ang kanyang paglalakbay sa mga “false and baseless” na alegasyon na kaugnay ng imbestigasyon ng Ombudsman.
Nauna nang sinabi ni Legarda na wala pa silang natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa Ombudsman tungkol sa iniulat na preliminary investigation at iginiit niyang walang sangkot na pondo ng gobyerno at handa silang ilabas ang katotohanan.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Legarda ay nagtungo sa France, habang ang kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste ay bumiyahe patungong Hong Kong.
Ayon naman kay Sen. Erwin Tulfo, humingi ng pahintulot si Legarda bago umalis ng bansa, kaya hindi siya nakadalo sa huling pagdinig ng impeachment trial.
Nahaharap ang mag-inang mambabatas sa mga reklamong plunder at graft kaugnay ng umano’y kabiguan ng renewable energy company ni Leviste na magbigay ng solar power ayon sa nakasaad sa congressional franchise nito.
Ipinaliwanag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isinama si Legarda sa kaso dahil nakuha umano ni Leviste ang prangkisa noong 2019, habang si Legarda ang chair ng Senate Finance Committee.
Nanindigan si Legarda na malilinis ang kanilang pangalan kapag nailahad ang buong katotohanan. RNT/MDS