Home NATIONWIDE Istilo ng Duterte supporters, ipinakita sa pag-urong ng 4 “maleta boys” –...

Istilo ng Duterte supporters, ipinakita sa pag-urong ng 4 “maleta boys” – Palasyo

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang pag-urong o recantation ng apat sa 18 “maleta boys” ay nagpapakita umano ng “style” ng mga Duterte supporters sa pagpapakalat ng walang basehang paratang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang apat na “maleta boys” ay pumirma ng affidavits of recantation kung saan sinabi nilang hindi totoo ang kanilang naunang pahayag na nag-uugnay kina Pangulong Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal sa umano’y pagtanggap ng kickback mula sa mga flood control project.

Ayon kay Castro, “Nakikita naman natin ang style ng mga Duterte supporters kung paano sila mag-hire ng mga tao na gumawa ng kathang-isip na kwento kapalit ang malaking halaga laban sa Pangulo.”

Idinagdag niyang marami ang naniniwalang bahagi ito ng umano’y destabilization plan nina Mike Defensor at iba pa niyang kasamahan. Hinikayat din niya ang publiko na huwag magpalinlang sa pera upang makasangkot ng mga inosenteng tao.

Samantala, sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng 18 “maleta boys,” na wala siyang kinita mula sa paggawa ng kanilang mga joint affidavit at ang tanging ipinangako niya ay tulong kung kakailanganin nila.

Ayon pa kay Baligod, nagalit ang natitirang 14 na “maleta boys” nang malaman ang pag-urong ng apat. Sa mga ito, 10 ang inaresto matapos mabigong makapagpiyansa sa apat na kasong perjury, tatlo ang nakapagpiyansa, at isa ang nasa kanilang probinsiya dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay.

Sinabi rin ni Castro na dapat hayaan ang Ombudsman na magsagawa ng sariling imbestigasyon tungkol sa mga alegasyon laban kina Romualdez at iba pang opisyal.

Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si Romualdez umano ang nasa likod ng recantation ng tatlo sa apat na “maleta boys,” ngunit itinanggi ito ni Romualdez at sinabing nagpapakita ito ng umano’y pagkiling laban sa kanya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here