Home NATIONWIDE House Speaker Romualdez balik-Kamara

House Speaker Romualdez balik-Kamara

Manila, Philippines – Sa kaniyang pangatlong termino, nakabalik sa Malaking Kapulungan ng Kongreso si House Speaker Martin Romualdez matapos pormal na iproklama ng Provincial Board of Canvassers bilang unopposed at winning candidate sa unang distrito ng Leyte.

“Tinitiyak ko po: hindi masasayang ang tiwala ninyo. Patuloy tayong maghahatid ng proyekto, programa, at malasakit sa bawat barangay, bawat tahanan. Ang Leyte First District ay patuloy na magiging modelo ng pagbangon, pag-unlad, at maayos na pamamahala,” ani Romualdez.

Umaasa ang kongresista na mananatili ang Lakas-CMD na may pinakamaraming pwesto sa Kamara, na nasa 104 mula sa dating bilang na 128 ng 19th Congress.

“This is a vote of confidence not just in our candidates, but in the kind of leadership and unity that Lakas-CMD represents. As party president, I am deeply grateful to the Filipino people for reaffirming our role as a driving force for progress and good governance,” pahayag ni Romualdez.

Ang proklamasyon ni Romualdez ay isinagawa sa New Capitol Building sa Palo, Leyte kahapon.

Naiproklama din kahapon si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo para sa kaniyang ikatlong termino.

Nakapasok naman bilang bagong kongresista ang anak ni Senador Loren Legarda, si Leandro Legarda Leviste, sa unang distrito ng Batangas.

Ngunit nabigo namang makabalik sa pwesto sina Laguna Rep. Dan Fernandez na tumakbong gobernador ng Laguna, Manila Rep. Bienvenido Abante, at ACT Teacher Partylist Rep. France Castro, na pawang aktibo sa panahong iniimbestigahan ng Kamara ang confidential funds ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo ng bansa. Meliza Maluntag