Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, pabirong isinama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si PNP Chief Gen. Nicolas Torre III sa hanay ng mga pambansang kampeon matapos ang pagkapanalo nito sa charity boxing match kontra kay Davao City Acting Mayor Baste Duterte.
“[Ang] ating mga kabataan ay maagang namumulat sa sport. Humuhusay at tumataas ang kumpiyansa. Sumusunod sila sa yapak ng ating mga kampeon at world-class na mga atleta tulad nina Senator Manny Pacquiao, Hidilyn Diaz, Caloy Yulo, Aira Villegas, Nesthy Petecio, EJ Obiena, at Alex Eala; ang paralympians natin na sina Jerrold Mangliwan, Cendy Asusano, Angel Mae Otom, at Ernie Gawilan,” ani Marcos sa kanyang SONA.
“Isama na rin natin ‘yung bago nating kampeon na si PNP Chief Nic Torre,” dagdag pa ni Marcos.
Kinilala rin ng Pangulo ang Philippine Curling Team sa pagkakapanalo ng gintong medalya sa Asian Winter Games. Nasa higit ₱300,000 ang nalikom mula sa nasabing boxing event kahit hindi sumipot si Duterte. RNT