Muling nanawagan ang gobyerno ng Pilipinas para sa “total elimination” ng mga nuclear weapons at hinikayat ang lahat ng mga estado na isantabi ang makikitid na interes at suportahan ang global disarmament.
Ginawa ang panawagan sa general debate ng 3rd Session ng Preparatory Committee para sa 2026 Review Conference of the Parties to the Treaty on the Non-Proliferation of Nuclear Weapons (NPT) noong Abril 28 sa New York City.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nananatiling committed ang Pilipinas sa mga layunin ng NPT—na pigilan ang paglaganap ng nuclear weapons habang isinusulong ang kooperasyon sa mapayapang paggamit ng nuclear energy.
“The Philippines reaffirmed its commitment to these objectives, highlighting that the treaty remains the cornerstone of the global nuclear disarmament and non-proliferation architecture,” ayon sa DFA.
Sa kanyang talumpati, inilahad ni DFA Undersecretary Charles Jose ang pahayag ng Pilipinas at binigyang-diin ang pangangailangan ng isang “time-bound, phased, and verifiable program” para sa tuluyang pag-aalis ng nuclear weapons, kabilang ang pagbibigay ng legal na kasiguruhan sa mga Non-Nuclear-Weapon States.
“Precisely because we live in a time of geopolitical instability, we must rally behind the NPT and the grand bargain it represents. The Treaty must be preserved, strengthened, and meaningfully implemented,” ani Jose.
Bilang kinatawan ng Non-Proliferation and Disarmament Initiative (NPDI), nagpahayag din si Jose ng matinding pagkabahala sa napaulat na pagtaas ng bilang ng mga nuclear warheads sa buong mundo.
“Put simply, the world is now heading in the wrong direction,” babala niya.
Matatandaang muling pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang posisyon ng Pilipinas na tutol sa paglaganap ng nuclear weapons, alinsunod sa pambansang polisiya at pandaigdigang obligasyon.
Ayon sa DFA, ipagpapatuloy ng gobyerno ang pagsulong sa kahalagahan ng multilateral cooperation, dialogue, at mga legally binding instruments upang makamit ang isang mundong malaya sa nuclear weapons.
Ang 3rd NPT PrepCom ang huling sesyon bago ang 2026 Review Conference, kung saan susuriin ng mga states parties ang pagpapatupad ng kasunduan. Tatagal ang sesyon mula Abril 28 hanggang Mayo 9. RNT