Home NATIONWIDE Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps palalawakin ng DSWD sa mga...

Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps palalawakin ng DSWD sa mga probinsya

MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Social Welfare and Development na sisimulan na ng DSWD Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang ‘Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps’ job fair sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

Ito ang inihayag ni 4Ps Social Marketing Division Chief Marie Grace Ponce ngayong Miyerkules (February 26) sa episode ng 4Ps Fastbreak, isang online talk show na mapapanood sa DSWD Facebook page.

“Asahan po ng mga kababayan natin na iro-roll out natin sa iba’t ibang lugar pa. Alam ko naka-schedule na din tayo na pupunta sa mga lugar ng Pampanga, Bulacan, at Abra. Inaayos pa po yung schedule sa ibang lugar kasi gusto natin marating natin kung nasaan yung mga beneficiaries ng 4Ps,” sabi ni Division Chief Ponce.

Sabi pa niya, ang job caravan ay naglalayong tulungan ang mga graduating households na pa-exit na sa programa na makahanap ng trabaho.

“Kung matatandaan natin, noong 2019, isinabatas ang Republic Act No. 11310 o yung 4Ps Act. Maliwanag po na nasa batas na ang mga beneficiaries ng 4Ps ay hanggang 7 years lang. So, ito na yung unang pitong taon matapos na mapirmahan yung batas at inaasahan natin na mayroong mahigit na 2 milyon na mag-eexit doon sa program natin,”dagdag pa ni Division Chief Ponce.

Ang Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair ay inorganisa ng DSWD sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang mga ahensya ng gobyerno, upang magbigay ng tulong sa 4Ps beneficiaries na mabigyan ng opostunidad na makapagtrabaho.

Sa pamamagitan naman ng Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps, umaasa ang ahensya na ang mga graduating 4Ps households ay mabibigyan ng trabaho upang hindi na muling bumalik pa sa kahirapan.

Nauna rito, halos 12,000 4Ps beneficiaries ang lumahok sa ginanap na Trabaho sa Bagong Pilipinas para sa 4Ps sa Rizal Memorial Stadium in Pasay City nitong January 31.

Naglunsad din ng 4Ps job caravan sa mga lugar sa Iloilo, Tagum, at Dumaguete na dinaluhan ng halos 3,000 participants kada lugar. Santi Celario