Naging ninang sa kasalang bayan si Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano habang naging ninong naman si Cong. Tony Calixto at ang mga konsehal ng lungsod ng Pasay. Tinatayang nasa 43 magsing-irog ang ikinasal na handog ng lokal na pamahalaan. Cesar Morales
MANILA, Philippines- Nasa 43 couples ang ikinasal ngayong araw na hangdog ng lokal na pamahalaang Lunsod ng Pasay.
Kabilang sa mga ikinasal sa kasalang bayan na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pangunguna ng kanilang mayora ay ang 30 taon nang nagsasamang sina Lolo Dioscorro Robillo, 60-anyos, at Lola Pilar Duque, 59-anyos, na mayapat na anak at apat na apo.
Ipinaliwanag ni Lolo Dioscorro na dahil sa kakulangan at kawalan ng dokumento kaya’t hindi natuloy-tuloy ang kanilang kasal.
Mabuti na lamang aniya sa tulong ng lokal na pamahalaan ay natupad na rin ang kanilang inaasam-asam na makasal at ang mismong alkalde pa ang magkakasal sa kanila.
Nagpasalamat ang magsing-irog sa tulong na ito ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasay sa pangunguna ng kanilang alkalde.
Ayon kay Lola Pilar, sa loob ng 30 taong pagsasama nila ay hindi siya nabigyan ng sakit ng ulo ni Lolo Dioscorro at kahit minsan ay hindi natukso na maghanap ng iba.
Masipag sa trabaho at responsableng asawa kung ilarawan ni Lola Pilar si Lolo Dioscorro.
Nakatira sila sa Barangay 103 sa Tramo sa Lungsod ng Pasay kung saan doon sila nabiyayaan ng apat na anak at ngayon ay may apat na ring apo.
Pinakabata naman na ikinasal ay ang magsing-irog na sina Klaisser Quebec, 23, at Jenny Alibio, 22, na taga-Barangay 184 Maricaban, Pasay City, may isang anak at kasalukuyang nagdadalang-tao ngayon. Dave Baluyot