MANILA, Philippines- Patuloy si Senador Christopher “Bong” Go sa pagsusulong sa Senado ng dalawang krustal na health measure para palakasin ang pampublikong sistema na titiyak upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa mga banta sa kalusugan sa hinaharap.
Bilang may-akda at co-sponsor, iginiit ni Go ang agarang pagpapasa ng Senate Bill No. 195, na magtatatag ng Center for Disease Control (CDC).
Itinulak din niya ang SBN 2893, ang panukalang batas na lilikha ng Virology Science and Technology Institute, na pangunahin niyang iniakda at naipasa na ng Senado sa huling pagbasa noong unang bahagi ng Pebrero.
Ang SBN 195 ay lilikha ng Philippine Center for Disease Control para magsilbing ahensya ng bansa para sa pag-iwas, pagsubaybay, at pagtugon sa mga sakit.
Kagaya sa mga institusyon sa ibang bansa, ang CDC ang titiyak na ang Pilipinas ay may dedikadong organisasyon na nakatuon sa maagang pagtuklas, monitoring at pamamahala kapwa sa infectious at non-communicable diseases.
Binigyang-diin ni Senator Go ang mga aral na natutunan ng bansa mula sa nakaraang krisis sa kalusugan, gaya ng COVID-19 pandemic.
“Napakahalaga ng maayos na sistema sa pagtugon sa mga sakit at health threats. Ang layunin natin ay palakasin ang ating kapasidad upang mapigilan ang pagkalat ng sakit bago pa ito lumala,” sabi ni Go.
Kung may nakatalagang ahensya aniya na nakatuon lamang sa pagkontrol sa sakit ay mas magiging handa ang pamahalaan upang mabilis at epektibong matugunan ang mga hamon sa kalusugan.
Bukod sa CDC, itinataguyod din ni Go ang pagtatatag ng Virology Science and Technology Institute, isang espesyal na pasilidad ng pananaliksik na tututok sa pag-aaral sa mga virus, pagbuo ng bakuna, at mga diagnostic.
Ang panukalang batas na ito na naaprubahan na sa ika-3 pagbasa ng Senado, ay magpapahusay sa research capabilities ng bansa nang di umaasa sa mga dayuhang laboratoryo. Sisiguruhin din nito na ang Pilipinas ay nangunguna sa mga scientific advancements sa virology at infectious disease prevention.
“Dapat tayong magkaroon ng sariling kakayahan sa pag-aaral at pagtugon sa mga sakit. Hindi natin dapat hintayin na dumating ang problema bago tayo kumilos. Sa pamamagitan ng virology institute na ito, makabubuo tayo ng mga homegrown solutions na mag-iingat sa kalusugan ng publiko,” idiniin ni Go.
Sa pamamagitan ng pagtatatag ng Virology Science and Technology Institute, ang bansa ay magiging mas mahusay sa pag-aaral ng mga umuusbong na sakit at upang makalikha ng mga epektibong estratehiya para sa pag-iwas at pagtugon.
Dahil dito, nananawagan si Senator Go sa agarang pagpapasa ng mga panukalang batas na ito para masigurong ang Pilipinas ay handa sa pagharap sa mga banta sa kalusugan na maaaring dumating sa hinaharap. RNT