NANATILING matatag ang merkado ng paggawa sa bansa sa pagtatapos ng taong 2025, bunsod na rin ng masiglang aktibidad ng ekonomiya noong Kapaskuhan.
Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa Disyembre 2025 Labor Force Survey, inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tumaas ang bilang ng mga indibidwal na may trabaho mula 49.27 milyon noong Nobyembre tungo sa 49.43 milyon nitong Disyembre.
Pinakamababang Underemployment
Isa sa mga pinaka-positibong datos na naitala ay ang matinding pagbaba ng underemployment rate o ang bilang ng mga manggagawang nagnanais pa ng karagdagang oras ng trabaho. Mula sa 10.4 porsyento (5.110 milyon) noong Nobyembre, bumaba ito sa 8.0 porsyento (3.932 milyon) nitong Disyembre.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma, ito na ang pinakamababang antas ng underemployment na naitala sa bansa mula pa noong 2005.
Ipinakikita nito ang pagganda ng kalidad ng mga trabaho at ang pagdami ng mga full-time at formal jobs sa bansa.
Dahil sa holiday season, kapansin-pansin ang pagdami ng mga manggagawa sa sektor ng service and sales. Nakatulong din ang pagbabalik ng operasyon sa mga lugar na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Narito ang mga pangunahing sektor na nagtulak sa empleyo o mga industriyang nag-ambag sa paglago ng trabaho:
– Wholesale at retail trade
– Accommodation at food service (mga hotel at restaurant)
– Transportasyon, storage, at logistics
– Manufacturing ng mga consumer goods
Nanatili naman sa 4.4 porsyento ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho, na pasok sa target ng gobyerno sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023–2028.
Mula 2.25 milyon noong Nobyembre, bahagya itong gumalaw sa 2.26 milyon nitong Disyembre dahil sa pagdami ng mga taong naghahanap ng panandaliang mapapasukan (short-term work).
Commitment ng DOLE
Binigyang-diin ng Kagawaran na ang magandang resulta ng survey ay bunga ng epektibong pagpapatupad ng Philippine Labor and Employment Plan at ng Trabaho Para sa Bayan Plan.
Noong Disyembre lamang, nagsagawa ang DOLE ng 136 job fairs kung saan 4,646 na aplikante ang agad na natanggap o “hired on the spot.”
“Nanatili ang DOLE sa pangako nito, kasama ang publiko at pribadong sektor, na panatilihin ang paglago ng trabaho sa pamamagitan ng pagpapalawak ng de-kalidad na empleyo at pagsisiguro ng marangal at produktibong trabaho para sa lahat ng Pilipino,” anang pahayag ng Kalihim.






