KUNG mapoprotektahan ang mga dapat maprotektahang lupa, gaya ng mga palayan at iba pang matatabang lupa para sa agrikultura at hindi nababahang para sa pamayanan at kabahayan at maprotektahan din ang mga karapatan ng mga manggagawa at mawawalan ng lupa, magandang balita ang batas na nagbibigay ng 99-taong paupa ng lupa sa mga negosyanteng dayo lalo na kahit saan sa Pinas.
Pagbabago o amyenda ang 99-taong paupa sa lupa na nakapaloob sa Investors’ Lease Act of 1993 na nagbibigay ng 75-taong paupa lamang.
Paliwanag ni Senate President Chiz Escudero, pwedeng palawigin pa ng mga may-ari ng lupa at mangungupahan ang 99 taong paupa.
Pupwedeng gawin ito sa mga lupang pag-aari ng gobyerno o pribado.
Dahil sa parang unli na pagpapaupa na garantisado ng batas, wala nang matatakot na negosyante sa pagpunta rito at mamuhunan.
Pero may kondisyon na kinakailangang magsimulang magtayo ng negosyo ang negosyante sa loob ng tatlong taon makaraang mapirmahan kontrata at tiyak naman kasama na ang paggawa ng mga gusali, warehouse, pagpwesto ng mga makinarya at iba pa na kinakailangan sa negosyo.
Kung hindi matutupad ito, pupwedeng mapawalang-saysay ang kontrata.
Hindi man sinasabi, mga Bro, posibleng agrikultural din ang negosyo at hindi lang komersyal at industrial.
FULLY AUTOMATED O ROBOT ANG OBRERO
Sinasabi na makalilikha ng maraming trabahong Pinoy, lalo’t mga talking dollars, edukado, masisipag, matiyaga, mapanlikha at hindi de-pukpok ang mga obrerong Pinoy.
Pero paano kaya kung kakaunti ang magkakatrabaho kung fully automated o de-kompyuter at mga robot ang magpapatakbo ng mga negosyo?
At maging ang transportasyon ng mga suplay at produkto ay daraanin sa mga drone at iba pang paraan na hindi nangangailangan ng tao.
Ito na kasi ang kalakaran sa malalaking negosyong dayuhan.
Marahil magiging katanggap-tanggap ang mga ito at kikita na lang sa ibang paraan ang mga Pinoy gaya ng pagpapaunlad ng turismo, pagbubukas ng mga kainan, kinakailangang transportasyon at iba pa.
Koleksyon ng buwis naman ang aasikasuhin ng pamahalaan kaugnay ng mga import-export activity ng mga kompanya o sa mga produktong pupwedeng maikalat sa mga lokal na pamilihan at paggawa ng mga kinakailangang mga imprasktraktura, na lilikha tiyak din ng trabaho at pagkakitaan.
Maaaring lalago rin ang mga pagbabangko na kailangan para sa pananalapi ng pamahalaan at mamamayan na pupwedeng magbunga rin ng mas malaki at malawak na pamumuhunan.
Pupwede ring mapaunlad ang transfer technology mula sa nasabing mga high tech na sistema ng negosyo at makapapantay sa kaalaman at teknolohiya at makinarya ang mga Pinoy sa iba at hindi laging atrasado ng deka-dekada o siglo-siglo sa larangang ito.
PAGKAIN, KABAHAYAN HUWAG ISAKRIPISYO
Napakabilis dumami ang mga Pinoy sa sipag at tiyaga nilang magmahal.
Pagkain at bahay ang kabilang sa mga batayang pangangailangan natin.
Sa bilang nating mahigit na 110 milyon, pang-14 tayo sa mahigit 200 bansa at teritoryo ang may pinakamaraming mamamayan at isipin nating hindi lumalaki ang lupain natin kundi nababawasan pa dahil sa mga kalamidad o delubyo.
Dapat isaalang-alang ang mga ito sa pagpapaupa natin ng mga lupain.






