MANILA, Philippines- Magsasampa ng kaso ang Bureau of Animal Industry (BAI) laban sa traders na sinusubukang ibenta ang African swine fever (ASF)-infected hogs, base sa Department of Agriculture (DA) nitong Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ikinakasa na ng BAI ang mahahalagang dokumento sa paghahain ng mga kaso laban sa sangkot na traders kasunod ng pagkakaharang sa checkpoints sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
“Kapag pursigido ang gobyerno, mapuputol iyong kabuhayan nila. And eventually, kilala naman sila, iyong mga papel. Hindi sila tatantanan. Unang-una, magpa-file ng kaso,” wika ng opisyal.
Matatandaang naharang ang mga baboy matapos umanong magpresenta ng transporters ng hindi kompleto o mga pekeng dokumento.
Maaaring maharap ang nasabing traders sa kasong paglabag sa Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of 2013, dagdag niya.
Sa BAI-led checkpoints sa Luzon, 18 shipments ang naharang at sinuri, nagresulta sa pagkakatukoy sa 430 ASF-infected hogs at sa emergency slaughter ng 46.
Mahigpit na ipinatutupad ng DA ang una at ikalawang border controls katuwang ang local government units (LGUs).
“Kung hindi natin ito na-anticipate, nahuli, may mga ilan dito na shipments talaga papunta ng Norte,” ani De Mesa.
“Ang maganda rito, kahit nakakalusot sila doon sa, kunwari, unang border, kahit papaano, nakalusot pero pagdating dito talaga sa Metro Manila, napipigilan natin yung mga gano’n,” dagdag niya. RNT/SA