MANILA, Philippines- Itinanggi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na ang isinulat niyang children’s book na pinamagatang “Isang Kaibigan” (A Friend), ay isang political tool para sa posible nitong kandidatura sa 2028.
Tinutukoy ni Duterte ang aklat na inihirit ng kanyang opisina na pondohan ng P10 milyon sa ilalim ng panukalang P2 bilyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
“Turning to the issue of the book I have written, ang libro na pinamagatang “Isang Kaibigan” ay ginagamit namin sa book donation at book reading or storytelling sessions sa mga paaralang binibisita ko. Isinasagawa namin ito upang mahikayat ang mga bata na mahalin ang pagbabasa at sumulat ng sarili nilang mga kwento,” ani Duterte.
“The inclusion of my name and image on the “About the Author page” is a common practice for authors and is not intended as a political move,” dagdag ng Bise Presidente.
Ang target recipients ng Isang Kaibigan book, base kay Duterte, ay elementary students at grade 7 learners na “non-factors” umano sa 2028 polls.
“This belies any insinuation of political motives as they will not even be eligible to vote come 2028,” giit ni Duterte.
Matatandaang kinuwestiyon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang P10 milyong budget para sa Isang Kaibigan children’s book sa Senate budget deliberations, tanong na tila hindi ikinatuwa ng Bise Presidente at inakusahan si Hontiveros ng “politicizing the budget of the government.” RNT/SA