Home OPINION TRAFFIC, ENFORCERS AT PASAWAY NA DRIVERS

TRAFFIC, ENFORCERS AT PASAWAY NA DRIVERS

94
0

DAHIL nalalapit na ang Pasko, muling nagsisikip ang dati nang masikip na daloy ng trapiko sa Maynila.

Hindi malaman kung sino ang sisisihin sa mabagal na galaw ng mga sasakyan sa lugar na pinamumunuan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Pagpasok pa lang sa Road 10 mula sa Navotas o North Luzon Expressway, naghambalang na ang mga naglalakihang trak na gamit sa mga kargamento.

Walang nakatalagang traffic police o enforcer sa kahabaan ng R10 kaya naman lahat ng linya ay pinuwestuhan na ng mga trak kaya naman nakatatakot na sumingit ang maliliit na sasakyan.

Sa madaling salita, binabarako nitong mga driver ng trak na walang disiplina sa daan ang kalye na dapat sana ay maluwag kung iniaayos lang ang daanan at hindi sinuswapang.

Bukod pa ito sa pila-pilang mga trak na papasok sa North Harbor na balagbagan sa kalsada kung kaya nagkakaroon ng pagsisikip sa daloy ng trapiko.

Gayunman, maganda naman ang daloy ng sasakyan sa Roxas Boulevard dahil may linyang sinusunod ang mga tsuper ng trak at sa bandang dulo kahit malapit na maghatinggabi ay may nagbabantay pa na mga enforcer ng Metro Manila Development Authority.

Habang ang mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau na dating napakarami ay nabawasan na at ang ilang pinagtatalagahan sa kanila ay bakante na.

Pero kapag nakatoka naman sila sa isang lugar ay para silang mga bunga ng prutas na kumpol-kumpol kaya ang ibang lugar ay walang nakatalaga.

Kaya matanong nga ng inyong Juan De Sabog, kung sino ang dapat sisihin sa mas malalang trapiko sa Maynila?

Si Mayor Honey ba na ipinagkatiwala na sa MTPB at sa Manila Police District ang trapiko o mismong hepe ng MTPB at MPD Traffic Enforcement Unit?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here