Home NATIONWIDE Training center sa Maynila ipinasara sa hinihinalang illegal recruitment

Training center sa Maynila ipinasara sa hinihinalang illegal recruitment

219
0

MANILA, Philippines — Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes, Enero 19 ang isang training center sa Malate, Maynila matapos mapatunayang sangkot umano ito sa illegal recruitment.

Sa ulat, walang lisensiya ang naturang training center para mag-recruit ng mga aplikanteng magtatrabaho sa ibang bansa at naniningil umano ng mataas na bayarin.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ginagamit ng pasilidad ang training bilang panakip upang makahikayat ng aplikante.

“Sa umpisa, training lang ang ipinapakita nila at may maliit na bayad na P4,500. Kapag nakapasa na, saka sisingilin ng P80,000 processing fee at P250,000 placement fee. Recruitment na ‘yan,” ani Cacdac.

Sinabi ng DMW na ginagamit din umano ng training center ang lisensiya ng isang rehistradong recruitment agency upang makapagpadala ng mga manggagawa sa abroad.

“Ito ‘yung kasong may mahigit 1,000 complainants. Sa pag-iimbestiga sa mga biktima, dito natin nadiskubre kung paano sila nanghihikayat ng aplikante,” ayon pa kay Cacdac.

Personal na ipinasara ng kalihim ang pasilidad.

Sa gitna ng operasyon, may dalawang trainee mula Isabela ang dumating upang kunin sana ang kanilang certificate of completion. Ayon sa kanila, nagbayad sila ng P4,500 hanggang P5,500 para sa skills training.

Noong nakaraang taon, umabot sa 32 recruitment agencies ang ipinasara ng DMW bunsod ng mahigit 1,000 reklamo at halos 30 kaso ng human trafficking.

Dagdag pa ng ahensiya, mahigit 65,000 Facebook accounts at 27,000 TikTok accounts na sangkot sa illegal online recruitment ang kanilang ipinatanggal. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here