MANILA, Philippines — Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) na mahigpit na ipatupad ang mga batas laban sa pangha-harass at diskriminasyon sa mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, pangunahing responsibilidad ng mga PUV operator ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero bilang bahagi ng kundisyon ng kanilang prangkisa.
“Simple lang ang lohika: ang mga pasahero ang bumubuhay sa negosyo ng pampublikong transportasyon, kaya nararapat lang na sila ay igalang sa lahat ng oras,” ani Mendoza.
Binigyang-diin ng LTFRB na kikilos ang ahensiya laban sa sinumang lalabag sa mga patakaran at aabuso sa mga pasahero.
Ipinunto rin ni Mendoza ang Republic Act 11313 o Safe Spaces Act o mas kilala bilang “Bawal Bastos Law,” na nagpoprotekta laban sa anumang uri ng harassment.
Hinimok niya ang mga biktima na magsampa ng reklamo sa LTFRB upang mapanagot ang mga lumalabag na driver at operator.
Binanggit din niya ang isang ride-hailing driver na nahaharap sa kanselasyon ng lisensiya at iba pang parusa matapos umanong mang-harass ng babaeng pasahero.
Ani Mendoza, pinadali na ng LTFRB ang proseso ng pagrereklamo sa pamamagitan ng mga hotline at social media monitoring teams.
“Magtulungan tayo upang mapanatili ang maayos at ligtas na serbisyo ng pampublikong transportasyon,” dagdag pa niya. RNT/JGC