MANILA, Philippines – Pumayag ang Pilipinas sa panukalang transfer procedures ng Indonesia para sa repatriation ni Mary Jane Veloso, sinabi ng senior minister for law and human rights affairs ng Indonesia nitong Biyernes, Disyembre 6.
Ayon kay Yusril Ihza Mahendra, pipirmahan niya at ng kanyang Philippine counterpart ang kasunduan at inaasahang makakauwi na ng Pilipinas si Veloso bago mag-Pasko.
“As instructed by President Prabowo, if possible, we could resolve this case before Christmas,” ani Yusril.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay pumayag ang Indonesia na i-repatriate si Veloso na nakuhanan ng 2.6 kilo ng heroin noong 2010 na itinago sa isang maleta.
Muntik nang bitayin si Veloso ngunit nakatanggap ng last-minute reprieve noong 2015.
Sinabi ni Yusril na pumayag ang Pilipinas sa ilang terms na ipinanukala ng Indonesia, kabilang ang pagrespeto sa sentensya ng Indonesian court kay Veloso at status nito bilang preso sa Indonesia.
Samantala, irerespeto naman ng Indonesia ang anumang desisyon na gagawin ng Pilipinas sa oras na makauwi na si Veloso sa bansa, kabilang ang pagbibigay dito ng clemency.
Bawal na ring bumalik si Veloso sa Indonesia.
“If one day Indonesia asks for its citizens jailed in the Philippines to be returned, they must consider it,” sinabi pa ni Yusril.
Matapos ang pirmahan, mag-uusap ang Indonesia at Pilipinas sa teknikalidad sa paglilipat kay Veloso at saka pag-uuaspan ang petsa ng kanyang pagbabalik. RNT/JGC