Home NATIONWIDE Transparent, makataong 2026 nat’l budget, tiniyak ni PBBM

Transparent, makataong 2026 nat’l budget, tiniyak ni PBBM

318
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na ang panukalang PhP6.793 trilyon para sa 2026 pambansang badyet ay masusing rerepasuhin at lalagdaan bago matapos ang taon, sinabi ng Malacañang nitong Biyernes.

Binigyang diin ng Malacañang na ang panukalang badyet ay dapat nakaayon sa mga prayoridad ng administrasyon at mananatiling nakasentro sa taong-bayan.

Sa isang briefing sa Palasyo nitong Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga opisyal mula sa Ehekutibo ay hindi magbabakasyon upang matiyak na ang panukalang General Appropriations Act ay masusing rerepasuhin at pag-aaralan.

“Noong una talaga ay inaasahan ng Pangulo na mas maaga ang pagsa-submit ng kopya ng  enrolled bill. Sa pagkakataong ito, pipilitin ng Pangulo, pipilitin na maaral mabuti at mapirmahan ang 2026 national budget bago magtapos ang taon,” ani Castro.

“Pero ang tinitiyak ng Pangulo ay aralin, matutukan, mabusisi ang nasabing enrolled bill at matiyak na ang mga nakalagay dito ay naaayon sa prayoridad ng administrasyon, isang malinis, makatao, at nakatuon ang mga probisyon dito para sa taong-bayan,” ani pa ni Castro.

“Kung hindi magkakaroon ng tulugan, walang tulugan, gagawin po ‘yan. Pero ang gustong sabihin ng Pangulo, ang tinitiyak niya, bago siya pumirma, dapat naaral po itong mabuti, nabusisi, at kung may kailangan i-veto, ibi-veto,” dagdag pa ni Castro.

Sinabi pa ni Castro, magsasagawa rin ng sariling pagsusuri ang Ehekutibo upang higit na mapangalagaan ang integridad ng badyet.

“Kung sinasabi ng Kongreso na napag-aralan ito mabuti, aaralin pa rin ito ng Pangulo at titiyakin ng Pangulo sa publiko na ito ay isang makatao at maayos na national budget,” ayon kay Castro.

Muling iginiit ni Castro na nananatiling  tagapagtaguyod ng openness o pagiging bukas si Pangulong Marcos, at tinukoy ang Transparency Portal initiative ng Pangulo na nagbibigay ng access sa publiko sa mga proseso ng bidding at procurement ng pamahalaan.

Inaasahang aaprubahan ng Congressional Bicameral Conference Committee ang 2026 pambansang badyet sa Disyembre 28 at magkahiwalay itong raratipikahan ng House of Representatives at Senado sa Disyembre 29 bago isumite sa Malacañang. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here