Home OPINION TRANSPORT COALITION:’NO TO BAND-AID SOLUTION’

TRANSPORT COALITION:’NO TO BAND-AID SOLUTION’

128
0

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at kabuuang gastusin sa pamamasada, muling nananawagan kamakailan ang United Transport Alliance Nationwide ng agarang aksyon mula sa pamahalaan. Hindi na umano sapat ang mga pansamantalang tugon na ayuda. Sigaw nila ang “Aksyon, hindi band-aid solusyon.”

Sa kasalukuyan, maraming public utility drivers ang halos wala nang inuuwi sa kanilang pamilya. Sa bawat pasada, kinakain ng mataas na presyo ng diesel at gasolina ang kanilang kakarampot na kita.

Ipinunto ng UTAN na ang umiiral na ayuda ay hindi sapat at madalas pa ay nagkakaroon ng discrepancy sa distribusyon. Para sa kanila, ang ganitong mga hakbang ay tila pansamantalang lunas lamang sa mas malalim na problema ng sektor. Habang tumatagal nga naman, lalong lumalala ang krisis sa transportasyon.

Kabilang sa kanilang panawagan ang fuel subsidy kung saan ay P55 per litro ng diesel ang kaya nilang maging ambag para lang makausad ang kanilang pangkabuhayan. Hangad din ng coalition ang agarang pagsuspinde ng excise tax sa langis upang direktang mapababa ang presyo ng fuel. Hiling din nila ang mas maayos, makatarungang pagtrato at sapat na suporta ng pamahalaan sa kanilang sektor.

Harinawa, ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon katulad ng malinaw na polisiya sa presyo ng langis, sapat na subsidiya, at mga programang pangkalusugan para sa mga driver na araw-araw nakikipagsapalaran sa lansangan ay matugunan ng pamahalaan.

Ang panawagan ng sektor ay malinaw at makatarungan. Hindi na sapat ang “band-aid” na solusyon. Sa panahong ng krisis, kinakailangan ang tunay, mabilis, at konkretong aksyon. Sapagkat sa bawat araw na walang ginagawa, mas maraming drayber ang nalulugmok—at mas maraming Pilipinong pasahero ang maaapektuhan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here