Home OPINION PAMAMAHALA NG DMW, HINAHANAPAN NG BUTAS

PAMAMAHALA NG DMW, HINAHANAPAN NG BUTAS

105
0

HALOS hindi nawawala sa bawat selebrasyon, programa, at talumpati ng pamahalaan ang bansag sa Overseas Filipino Workers bilang “mga bagong bayani.” Maganda itong pakinggan at madaling ilagay sa mga banner at press release. Ngunit sa likod ng papuring ito ay nananatili ang isang matagal nang katotohanan—maraming OFW ang patuloy na nabubuhay sa ilalim ng matinding sakripisyo, pangungulila, at kawalan ng katiyakan.

Hindi pa rin tinitigilan ang Department of Migrant Workers sa kaiintriga sa panahong kahit ang mabuting hakbang nito ay hindi ligtas sa paninira, halos bawat programang inilalatag nito para sa mga OFW ay may mga pwersang agad naghahanap ng butas upang ito’y dungisan at pahinain.

Sa likod ng intriga, may mga lihim na mata ang ilang sektor, palihim na nagmamasid at kumakalap ng impormasyon—hindi upang ituwid ang mali o magbigay ng solusyon, kundi upang gawing katawa-tawa at dungisan ang ahensya sa mata ng publiko.

Sa kabila ng napakalaking pakinabang, sa halip na purihin at palakasin ang loob ay ginagatungan pa ito ng paninira—hindi dahil may mali, kundi dahil may mga interes na higit na pinahahalagahan kaysa sa kapakanan ng OFW at bansa.”

At dito dapat maging tapat ang estado sa taumbayan: ang pagdami ng OFW ay hindi awtomatikong tagumpay ng pamahalaan. Sa maraming pagkakataon, ito rin ay malinaw na patunay ng kakulangan ng oportunidad, mababang pasahod, at limitadong pag-asa sa loob mismo ng sariling bansa.

Hindi sapat ang one-time cash assistance sa oras ng krisis kung ang OFW ay babalik din sa parehong kahirapan at kawalang-katiyakan. Hindi sapat ang livelihood seminar kung wala namang konkretong trabaho, kapital, at merkadong sasalo sa kanilang pagbabalik. Ang kailangan ng OFW ay hindi dagdag na papuri—kundi mas matitibay na polisiya.

Hindi rin dapat isinasantabi ang usapin ng retirement, pension, at financial security. Napakaraming OFW ang ilang dekadang nagtrabaho sa abroad ngunit pag-uwi ay tila nagsisimula muli sa wala.

Tumanda sa ibang bayan, ngunit umuwi sa sariling bansa na kulang sa ipon, kulang sa seguridad, at kulang sa proteksyong dapat sana’y matagal nang inihanda para sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here