MATANONG ko nga si Kapatid na Jocelyn Tabangcura, presidente ng Manila City Hall Press Club, kung may katotohanan bang tatakbo si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang alkalde ng Quezon City. Isang “nakalolokong tanong” ito dahil alam naman ng lahat na ang Maynila ang matagal nang teritoryo ng masipag at makatarungang alkalde.
Naitanong ito ng inyong PAKUROT dahil may mga usapin na tila pumapasok na rin o pinakikialaman ang Quezon City ng opisyal mula sa Manila North Cemetery na si Ginoong Daniel “Dandan” Tan. Ang tanong: hanggang saan ang saklaw ng kanilang operasyon at sino ang tunay na pinaglilingkuran?
Umiikot ang isyu sa cremation services na tila naaabot na rin ang mga residente ng Quezon City. Sa QC, malinaw ang patakaran: libre ang cremation sa Baesa Crematorium, ngunit dumadaan ito sa tamang proseso—kailangang residente ng QC ang yumao, may valid ID ang kamag-anak, at kumpleto ang papeles kabilang ang rehistro ng kamatayan sa civil registry at aprubadong permit bago ma-cremate.
Sa kabilang banda, may mga ulat na sa MNC ay direktang nakikipag-ugnayan umano si Tan sa mga pamilyang nais magpa-cremate kahit kulang pa ang dokumento. Kung ang bangkay ay galing QC, dapat ay may transfer permit at dumaan muna sa tamang proseso sa local civil registry at health department ng LGU bago tanggapin ng alinmang pasilidad.
Ang tanong ngayon: hindi ba ito salungat sa umiiral na batas at regulasyon? O may nagaganap bang pag-abot sa sakop ng ibang lungsod na maaaring magdulot ng kalituhan at abuso? Kung ito ay totoo, sino ang dapat managot at kumastigo?
May mga bulung-bulungan din kung negosyo na ba ang usaping ito, lalo’t ang cremation sa Maynila ay libre para sa residente ngunit may bayad sa ibang aspeto tulad ng gasolina sa pagsunog. Kaya natural ang tanong kung magkano ang singil sa hindi taga-Maynila.
Matatandaang nagkaroon na rin ng tensyon noon sa pagitan ni Tan at Mayor Isko dahil sa ilang isyung may kinalaman sa pamamalakad ng MNC, ngunit tila lumamig din ito kalaunan.
Ngayon, mas malaki ang hamon: kung patuloy ang ganitong kalakaran, dapat itong linawin at ayusin ng pamunuan. Sapagkat ang anumang iregularidad ay hindi lamang usapin ng serbisyo, kundi ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.






