Home OPINION PRAKTIKAL NA TULONG AT SOLUSYON

PRAKTIKAL NA TULONG AT SOLUSYON

108
0

NAPUNO kahapon ng media ang National Press Club dahil sa naging pagbisita ni ex-Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson, kung saan inilatag niya ang kanyang praktikal na tulong at solusyon sa krisis na kinakaharap natin dala ng patuloy na giyera sa Middle East sa pagitan ng ‘Tadong Unidos, Israel at Iran.

Kasama ang mga kaibigan natin sa transport sector sa pangunguna ni Ka Lando Marquez (Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas), ibinida ni Manong Chavit ang bago niyang ‘E-Jeepney’ na ‘fully-airconditioned,’ kayang magsakay ng hanggang 20 pasahero at ang disenyo ay galing sa unang air-conditioned jeepney sa bansa na ginawa ni Ka Lando.

Oh yes, dear readers, “proud Philippines made and designed” ang jeepney na ito!

At dapat lang namang aprubahan ng gobyerno (read: LTFRB) ang panukala ni Ka Lando na payagang bumiyahe ng LIBRE ang mga nasabing jeepney na babagtas sa mga piling ruta sa Metro Manila. Malaking tulong kasi ito sa ‘commuters’ lalo pa nga at marami nang PUV drivers ang ayaw nang bumiyahe dahil sa sobrang taas ng presyo ng bawat litro ng krudo at gasolina.

“Saludo” tayo sa mga lider ng transport groups na katulad ni Ka Lando at mga politiko/negosyante na katulad ni Manong Chavit na nakasuporta sa kanila upang mabigyan sila ng pag-asa at pagkakataon na makatawid sa krisis.

Sila na kasi ang gumagawa ng sariling diskarte para solusyunan ang problema na dapat sanang responsibilidad ng ating gobyerno.

Kung hindi lang din pinasok ng kasakiman at korapsyon ng mga opisyal sa Department of Transportation tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office ang PUVMP (public utility vehicle modernization program) ng gobyerno, marahil malaking tulong ito ngayong nahaharap tayo sa krisis sa transportasyon.

Hindi umani ng ganap na suporta ang programa dahil gustong pagkaperahan ng mga korap na opisyal ang bawat ‘unit’ ng ‘modern jeep’ na ibebenta sa mga PUV drivers at operators– habang inululubog sila sa utang sa bangko.

Yes, Pangulong Bongbong Marcos, korapsyon pa rin ang dahilan kaya maraming pumapalag sa PUVMP, bagay na dapat may nagsabi sa iyo noon pa.

Sa ganang atin, “kagyat na solusyon” sa kawalan ng mga bumibiyaheng PUVs ang ibinibida ngayon ni Manong Chavit. Bagaman, sadyang maganda na itong panimula.

At kung gusto ng Palasyo nang pangmatagalang tulong sa mga drayber at operator na hindi kailangan gumastos kahit piso? Eh, aksyonan na agad– now na– ang dekada na rin nilang hinagpis sa problema sa mga “colorum” lalo pa sa hanay ng TNVs.

Tama ba, Ka Lando Marquez?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here