HINDI isang “isolated incident” ang nangyari sa K-pop idol na si Soobin ng grupong Tomorrow X Together na kanyang ipinost sa kanyang social media account kung saan sumakay siya sa isang taxi sa Cebu nitong unang linggo ng Abril kaya’t hindi dapat isa-isantabi at sa halip ay dapat bigyang pansin at imbestigahan.
Ito ay malinaw na salamin ng matagal nang problema sa ilang sektor ng transportasyon—ang overcharging at pang-aabuso sa mga pasahero, lalo na sa mga turista.
Kung pagbabatayan ang mga lumabas na ulat, bago pa man sumakay ay may umiiral ng batayang estimate na pamasahe sapagkat nagkasundo na sila kung magkano mula airport patungong hotel. Subalit sa kalagitnaan ng biyahe, bigla umanong itinaas ng drayber ang singil nang doble, gamit ang dahilan ng mataas na gastos sa krudo at iba pang operasyon.
Malinaw, sa ganitong sitwasyon, na lumalampas ito sa itinakdang pamantayan ng tamang paniningil sa ilalim ng regulasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Bilang abogado at bilang isang founder at presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), mariin nating binibigyang-diin: ang pamasahe sa pampublikong sasakyan ay hindi negosasyon sa gitna ng biyahe. Ito ay may malinaw na taripa at batas na dapat sundin. Ang anomang paglabag dito ay hindi lamang usapin ng disiplina kundi usapin ng pananagutan sa batas.
Dapat imbestigahang mabuti ang insidenteng ito sapagkat magiging malaki ang epekto nito sa turismo ng bansa. Sa panahon na pilit nating binubuhay ang ekonomiya at inaakit ang mga turista, ang ganitong viral na insidente ay mabilis na nakasisira ng tiwala. Isang negatibong karanasan ng kilalang personalidad ay maaaring umalingawngaw sa pandaigdigang social media at magdulot ng pagdududa sa kaligtasan at kaayusan ng ating transport system.
Mas nakababahala pa, kung ang isang international celebrity ay maaaring ma-overcharge, lalo pang mas bulnerable ang karaniwang Pilipino—ang mga commuter na araw-araw umaasa sa pampublikong sasakyan. Kung walang mahigpit na aksyon, ang ganitong gawain ay mauuwi sa kultura ng pang-aabuso na tila nagiging normal na lamang sa lansangan.
Panahon na upang ipakita ng mga ahensya na seryoso sila sa pagpapatupad ng batas. Ang mabilis, patas, at konkretong imbestigasyon ay hindi lamang para sa isang turista, kundi para sa integridad ng ating sistema at reputasyon ng ating bansa.






