SOBRA-SOBRA talaga ang taas-presyo ng mga produktong petrolyo mula sa dating P54 kada litro noong huling linggo ng Pebrero sa P170 ngayon.
Dahil naman sa tigil-putukan sa pagitan ng United States at Iran, humupa ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ito ngayon ang pinagbabatayan na posibleng pagkakaroon ng rolbak ngunit wala pang malinaw kung magkano sa darating na Martes.
Sana na meron naman.
Sa gitna nito, mga Brad, muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz na lumuwag noong nagsimula ang tigil-putukan dahil sa paglusob ng Israel sa Lebanon na ikinamatay ng daan-daang Lebanese at ikinasugat ng libo-libong tao.
Katwiran ng Israel, hindi kasali ang Lebanon sa usapang tigil-putukan.
Dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz, hind muling makaraan ang mga oil tanker, lalo ang mga pag-aari o kontrol ng US, Israel at iba pang mga bansa na kumampi sa US at Israel sa huling digmaan.
Mini-missile na rin ng Iran ang Israel at nitong nagdaang araw, nagpakawala umano ang Iran ng nasa 1,800 missile sa Israel para ganap na wasakin ito.
Tanda lahat ito na posible pa ring mabuhay anomang araw ang mabangis na digmaan na sinasabing maaaring mas mabangis dahil balak na ng US na magpakawala ng bombang nukleyar at ng Israel ng neutron bomb laban sa Iran.
At kung mangyari ito, posible nang magsimula ang ikatlong digmaang pandaigdig.
At ang langis, magkakandaletse-letse na na magbubung ng mala-impiyernong problema sa suplay at presyo, na sinasamantala rin ng mga kompanya ng langis upang kumita nang sobra-sobra.
Marahil, kung alam nating magdasal, magdasal tayo laban sa giyera, pagsasamantala ng mga kompanya ng langis at kainutilan ng gobyerno na magpairal ng matagalan at epektibong ayuda para sa lahat at hindi lang sa piling sektor ng lipunan.
Pero ‘yung dasal, eh, dapat tunay at hindi peke para pakinggan ni Lord o Allah.






