MANILA, Philippines- Nagsagawa ng kilos-protesta ang transport groups sa Kamara nitong Martes, ilang linggo matapos ang deadline para sa konsolidasyon sa ilalim ng PUV Modernization Program noong April 30.
Maraming jeepney drivers at operators na hindi nag-apply para sa franchise consolidation na rekisitos sa PUVMP ang hindi na nakabiyahe sa kanilang ruta sa pagsisimula ng Mayo sa takot na mahuli sila.
Mapapatawam sila ng P50,000 multa at pag-impound sa kanilang units sakaling mahuli.
Itinuturing ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang unit na hindi bahagi ng transport cooperative na colorum, o ilegal.
Ayon sa Batasan Police Station sa labas ng Batasang Pambansa kung saan nagsasagawa ng sesyon ang House of Representatives, halos 300 indibidwal mula sa transport groups Manibela at PISTON, labor group Kilusang Mayo Uno at youth activist groups Anakbayan ang nakiisa sa kilos-protesta.
Naglagay ang mga pulis ng barikada sa South Gate ng Batasang Pambansa subalit pinayagan ang mga raliyista na magtipon sa tabing-kalsada.
Inihirit nila sa mga mambabatas na payagan silang bumalik sa kanilang hanapbuhay sa kabila ng hindi pakikibahagi sa franchise consolidation at sa PUVMP.
“Yong mga may gusto, hinahayaan natin. Pero ‘yong may ayaw, irespeto rin. Magmo-modernize kami, susunod kami sa programa ng gobyerno pero dapat makatuwiran, walang mapag-iiwanan. Lahat makakapaghanapbuhay pa rin,” giit ni Manibela chairman Mar Valbuena.
Ikinasa ng Committee on Transportation ng Kamara ang pagdinig ngayong araw ukol sa PUVMP upang talakayin ang mga isyu sa programa. RNT/SA