Home OPINION TRAPIKKKK!

TRAPIKKKK!

NANINIWALA ako na dahil marami na ang mga sasakyan ngayon ay talagang pabigat nang pabigat ang trapik, ‘di lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga karatig probinsiya.

Maging sa Metro Cebu, CALABARZON at iba pang lugar, talagang palala  nang palala ang trapik. Ano ang solusyon?

Si Pangulong Bongbong Marcos ay sumali na rin sa pag-iisip ng solusyon. Sa kanyang huling vlog nitong Linggo, sinabi niyang kailangan nating mga Filipino partikular na ang lahat ng gumagamit ng mga kalsada ay pairalin ang “disiplina.”

Parang ang karamihan daw sa atin ay mauubusan ng daraanan sa tuwing nagmamaneho at gumagamit ng kalsada.

“What we Filipinos lack the most on the road is discipline. We should adhere to traffic rules,” ang binitawang puna ni PBBM.

Tama naman ang Pangulo sa kanyang obserbasyon. Marami sa ating mga nagmamaneho ay walang “disiplina.” Tila mauuubusan pa ng kalsada. Siksik dito, harang doon, nguso rito, nguso roon. Hindi na alintana ang batas o kortisiya man lamang sa pagmamaneho.

Sa kanya pa rin ngang vlog, inihayag ni PBBM ang planong i-develop ang mga kalapit na probinsya at siyudad. Ibig sabihin, mga dagdag kalsada o improvement sa mga daraanan ang iba. Binanggit pa nga niya ang mga ito ay mangyayari sa mga lugar ng Bulacan, Pampanga, Cavite, at Laguna.

Pero sabi rin ng Pangulo, wala rin mangyayari kahit matapos ang mga road projects na ito, kung ang ating mga driver ay di pa rin makasunod sa simpleng batas trapiko.

Bale wala nga naman, ang mga bagong kalsada kung lahat tayo ay “kamote” sa pagmamaneho. Kung wala tayong disiplina.

“It won’t matter if our roads are new if our attitude does not change,” sabi pa ni PBBM.

“Traffic ang isa sa pinakamatinding problema natin dito sa bansa. Nakalulungkot man ay isa na itong bahagi ng pamumuhay ng bawat Pilipino at tanyag na notorious na sa buong mundo ang traffic dito sa Pilipinas,” dagdag pa ng Pangulo.

‘Di ba man lang tayo nahihiya sa ganyang pahayag at obserbasyon pa ng Pangulo. Kung sabagay, ang iba sa atin, ay di man lamang nga mahiya kahit sa kanilang mga sarili.