MANILA, Philippines – Para kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III, ang pagpapakita ni acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ng kanyang travel authority to fly patungong Singapore nitong weekend ay isa lamang “afterthought” matapos na hindi magpakita sa kanilang nakatakda sanang charity boxing match.
Matapos kasi ang event na isinagawa sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila nitong Linggo, Hulyo 27, ay nagpost si Duterte sa social media na siya ay may travel authority document na inihain noong Hulyo 20 at inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government.
“I’m not aware of that travel document,” sinabi ni Torre sa press briefing sa Camp Crame.
“But saying that… that wasn’t the condition he gave when we first invited him to participate in a charity boxing match.”
“The first thing he said was to have all government officials take a drug test. Obviously, the travel documents are an afterthought, are they not?” dagdag pa niya.
Si Duterte ang unang naghamon ng suntukan kay Torre na kinasahan naman nito.
Kalaunan ay biglang nagbigay ng kondisyon si Duterte na idaraos lamang ang boxing match kung isasailalim sa hair follicle drug testing ang mga opisyal ng pamahalaan kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/JGC