MANILA, Philippines – Sinabi ni House Committee on Tourism Chairman Eleandro Jesus Madrona na mas magiging abot-kaya para sa maraming Pilipino ang pagbiyahe sa ibang bansa kung tuluyang aalisin ang travel tax.
Ito ay matapos ipahayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na target ng Senado na maipasa ngayong taon ang panukalang batas para alisin ang travel tax.
Ayon kay Madrona, magandang balita ito para sa milyun-milyong Pilipinong nag-iipon upang makapagbakasyon abroad o makabisita sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
“The announcement of our good Senate president is good news to millions of our kababayan who travel abroad,” ani Madrona.
Sa kasalukuyan, ₱1,620 ang travel tax para sa economy o business-class passengers, habang ₱2,700 naman para sa first-class travelers.
Ayon sa datos ng Department of Tourism (DOT), nasa 7.6 milyon Pilipino ang nagbiyahe sa ibang bansa noong 2025.
Naipasa na ng House of Representatives noong Marso 16 sa third at final reading ang House Bill No. 8464, o panukalang nag-aalis ng travel tax. Naipadala ito sa Senado kinabukasan.
Kabilang sa mga pangunahing nagsulong nito sa Kamara sina House Majority Leader Sandro Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III. Inendorso rin ito ng House Committee on Tourism at iba pang komite.
Ayon kay Gatchalian, tinatayang ₱6 bilyon ang maaaring mawala sa koleksiyon ng gobyerno kapag inalis ang travel tax.
Gayunman, umaasa ang Senado na mababawi ito sa pamamagitan ng paglago ng tourism industry dahil mas maraming Pilipino ang maaaring bumiyahe.
“Ang revenue loss niya, estimate, is almost around P6 billion. We think that it will be offset by the growth in the tourism industry,” ani Gatchalian.
Pag-aaralan din umano ng Senado ang posibleng pagtaas ng sin taxes sa mga produktong tulad ng alak, sigarilyo at vape upang makatulong na mapalitan ang mawawalang kita ng gobyerno.
“Mahirap naman mag-pass ng batas na mawawalan ng koleksyon ang gobyerno, wala tayo pampalit. Pinag-aaralan rin ibang sin taxes tulad ng alcohol, tulad ng sigarilyo, vape,” dagdag niya. RNT/MDS