PANGASINAN, Philippines – Patay ang isang motor/travel vlogger matapos maaksidente sa Villa Verde Road, Barangay Santa Maria East, San Nicolas, Pangasinan noong Linggo, Pebrero 1.
Kinilala ang naaksidenteng si Chester Masiglat, 32, na mas kilala sa social media bilang Mamaw Moto.
Ayon sa pulisya, nagmamaneho si Masiglat ng Yamaha YZF-R3 sa matarik at paikot na bahagi ng kalsada nang mawalan siya ng kontrol, tumawid sa kabilang linya, tumama sa gutter, at bumangga sa cyclone wire fence sa gilid ng daan.
Dinala siya sa ospital ngunit idineklara nang patay.
Sinuri ng pulisya at lumabas na negative sa alak si Masiglat at nakasuot ng helmet. Dinala ang motorsiklo sa San Nicolas Police Station.
Nakilala si Mamaw Moto sa kanyang travel at motorcycle vlogs, at isang araw bago ang aksidente ay dumalo siya sa content creators’ awards night sa Calasiao.
Ang balita ng kanyang pagkamatay ay nagdulot ng pagdadalamhati at pag-alala mula sa mga tagahanga at kapwa content creators.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa matarik at paikot na kalsada. RNT/MND