ILOCOS SUR-Kamatayan ang sinapit ng isang 65-anyos na tricycle driver at dalawang babaing pasahero nito matapos na mabangga ng isang pampasaherong bus ang kanilang sasakyan sa national highway sa Brgy. San Pablo, Sto. Domingo ng lalawigang ito kaninang 2:30 ng madaling-araw.
Ayon sa Sto. Domingo Municipal Police Station, ang tricycle driver ay residente ng Brgy. Paras ng naturang bayan samantalang ang dalawang babaeng pasahero nito na sina alyas Michelle at alyas Grace ay parehong residente ng Vigan City, Ilocos Sur.
Ang 42-anyos naman na driver ng bus ay residente ng Brgy. Pagsanaan, Magsingal, Ilocos Sur.
Nabatid na tumigil ang tricycle sa gilid ng highway nang nakaharap sa hilagang direksyon.
Nang makitang cleared na ang highway sa mga sasakyan papuntang hilaga, nagsagawa ng U turn ang driver ng tricycle nang hindi napapansin ang paparating na bus na papuntang timog direksyon na nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang mga katawan ang driver ng tricycle at dalawang pasahero nito.
Agad silang isinugod sa Magsingal District Hospital ng mga rumespondeng BFP, PNP at RHU personnel.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ang dalawang pasahero samantalang nalagutan ng hininga sa ospital ang driver ng tricycle habang sinisikap isalba ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng bus at ang mga pasahero nito. Rolando S. Gamoso