ILOCOS SUR-Nasa ospital at patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ng isang 42-anyos na tricycle driver matapos saksakin sa tiyan ng kanyang nakaalitan sa Brgy. Ayusan Norte, Vigan City ng lalawigang ito kagabi, Nobyembre 9.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay tubong-Brgy. Ayusan Norte ngunit naninirahan na sa Brgy. Rugsuanan ng naturang lungsod.
Ang 43-anyos na suspek naman ay isang construction worke, may asawa, residente ng Brgy. Ayusan Norte.
Lumalabas sa imbestigasyon na habang ang biktima at suspek ay nag-iinuman sa bahay ng kanilang pinsan ay nagkaroon sila ng pagtatalo.
Nabatid na umalis ang suspek samantalang naiwan naman ang biktima.
Makalipas ang ilang sandali ay nagdesisyon ang biktima na pumunta na lang sa lamay ng kanilang namatay na uncle ngunit pagdating niya roon ay nakita niya na nandoon din ang suspek.
Kinumpronta ng biktima ang suspek hanggang sa mag-away sila.
Nang susugurin ng biktima ang suspek, agad na bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ng isang beses sa tiyan ang biktima.
Matapos ang pananaksak, agad na tumakas ang suspek ngunit nang dumating ang mga otoridad ay bumalik din at kusang sumuko. Rolando S. Gamoso