Home NATIONWIDE Obispo ng Virac, nanawagan ng sama-samang pagdarasal sa bagyong Nika

Obispo ng Virac, nanawagan ng sama-samang pagdarasal sa bagyong Nika

MANILA, Philippines – Magkaisa sa pananalangin sa kaligtasan ng lahat sa pananalasa ng bagyong Nika.

Ito ang panawagan ni Virac Catanduanes Bishop Luisito Occiano sa mga pari at mananampalataya ng diyosesis.

Hinimok ng Obispo ang mamamayan na hilingin ang intercession ng Mahal na Birheng Maria at Panginoon na ilayo sa kapahamakan ang mga lugar na daraanan ng bagyo.

Labis na nag-aalala si Bishop Occiano sa maaaring epekto ng bagyo sa lalawigan at iba pang lugar sa bansa lalo na sa kaligtasan ng mga tao.

Inihayag ng Bishop Occiano ang kahalagahan ng sama-samang pananalangin para sa kaligtasan ng lahat lalo na sa mga direktang daraanan ng bagyo.

Hinihikayat din ng Obispo ang mga parokya sa buong isla ng Catanduanes na magsagawa ng natatanging panalangin sa mga banal na pagdiriwang at iba pang pagtitipon.

Umaasa si Bishop Occiano sa pagtugon ng bawat mananampalataya sa panawagan upang ipag-adya ang lalawigan sa banta ng sakuna, na hindi pa ganap na nakakabangon mula sa pinsalang iniwan ng nagdaang Bagyong Kristine.

Pinayuhan din ng Obispo ang mamamayan na maging handa at sundin ang mga guidelines ng local government units at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.

Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan sa silangan ng Southeastern Luzon ang Bagyong Nika, habang itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang buong lalawigan ng Catanduanes. Jocelyn Tabangcura-Domenden