LA UNION-Kamatayan ang sumalubong sa isang 32-anyos na lalaki matapos bumangga ang motorsiklong minamaneho nito sa likod ng isang nakaparadang closed van sa Baraoas Sur, Naguilian ng lalawigang ito kagabi, Nobyembre 9.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay isang truck operator, may-asawa, residente ng Burgos, La Union.
Nabatid na minamaneho ng biktima ang kulay red na Rusi motorcycle at bumibiyahe papuntang timog na direksyon sa kalsada sa nabanggit na lugar.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nabangga nito ang likuran ng nakaparadang Isuzu closed van na nakaharap ng timog sa southbound lane.
Dahil dito, sumemplang sa kalsada ang motor at pati na rin ang biktima.
Ang biktima ay nagtamo ng severe injury sa kanyang ulo na agad na isinugod sa ospital.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso