Home METRO Trike driver patay, pasahero sugatan sa bumagsak na puno sa Cavite

Trike driver patay, pasahero sugatan sa bumagsak na puno sa Cavite

MANILA, Philippines – Patay ang isang 46-anyos na tricycle driver habang sugatan ang pasahero nito makaraang madaganan ng natumbang puno ng Narra habang bumibiyahe at napadaan sa Brgy. San Francisco, Gen Trias City, Cavite

Ayon sa report, naisugod pa sa Gen Trias City Medicare Hospital ang biktimang si Abelardo Garcia Adriano, 46 anyos ng B25 L10, Sunny Brooke Subdivision, Brgy. San Francisco ng nasabing lungsod.

Sugatan naman ang pasahero nito na si Bonn Carlo Rubia, 20 anyos ng Ph4 B9 L3, Tierra Nevada Subdivision, Brgy. San Francisco dahil sa tinamong sugat sa katawan.

Batay sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:00 ng hapon nang naganap ang insidente sa kahabaan ng Tierra Nevada Road, ng naturang lugar habang minamaneho ng biktima ang kanyang tricycle at sakay ang pasahero nitong si Rubia nang bumagsak ang puno ng narra sa mismong tricycle nito.

Napag alaman na malubhang nagtamo ng mga sugat ang driver na hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan, habang halos galos lang ang tinamo ng pasahero nito.

May teorya na maaaring lumambot ang lupang kinalalagyan ng puno sa malalakas na ulan dulot ng habagat, kung kaya nabuwal ito. Margie Bautista