Home NATIONWIDE Trillion Peso March sa Peb. 25, pinayagan na ng QC govt

Trillion Peso March sa Peb. 25, pinayagan na ng QC govt

216
0

QUEZON CITY — Pinayagan ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang mga organizer ng “Trillion Peso March” na gamitin ang buong isang kilometrong kahabaan ng White Plains Avenue sa Pebrero 25 bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Ayon kay Elmo San Diego, hepe ng Quezon City Department of Public Order and Safety, iba ang magiging setup kumpara sa mga nakaraang protesta kung saan pinapayagan pa ang ilang sasakyan na dumaan. “We’re practically giving the whole stretch of White Plains talaga. One kilometer long, kaliwa’t kanan,” ani San Diego sa isang press conference.

“Pero sabi ko nga, kaysa hatiin pa natin just like before, nagiging challenge sa atin ‘yung traffic. So this early, sinasabi ko ibibigay na natin doon sa grupo na humingi ng permit both lanes,” dagdag niya.

Sinabi ni San Diego na maglalabas ng rerouting advisories ang mga awtoridad. Ginawa ang pahayag matapos ang walk-through inspection ng mga organizer at awtoridad sa White Plains Avenue bilang paghahanda sa protesta.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga organizer at dadalo na sumunod sa memorandum of agreement sa lungsod, kabilang ang pagbabawal sa pagsusunog ng anumang materyales, paggamit ng sobrang lakas na sound system, at pagdadala ng mga mapanganib na bagay. Ipatutupad din ang plastic-free policy ng lungsod.

Inaasahan ng lungsod ang 30,000 hanggang 50,000 kalahok, mas mababa sa unang inaasahang 100,000, dahil ang ibang grupo ay magsasagawa ng hiwalay na protesta sa ibang lugar.

Inilagay na rin ng National Capital Region Police Office sa full alert ang kanilang mga tauhan simula Pebrero 21 bilang paghahanda sa paggunita ng EDSA anniversary at sa planong protesta.

Dahil special working holiday ang Pebrero 25, pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga kalahok na gumamit ng MRT-3 sa halip na pribadong sasakyan. “Kung magdadala po sila ng sasakyan, make sure na ipa-park po ‘yung kanilang mga sasakyan doon sa allowed parking areas namin along Temple Drive,” ayon kay MMDA traffic enforcement group director Victor Nuñez.

“So ‘yung mga ibang lalahok po coming from different provinces na nakasakay sa mga bus, meron daw kaming coordination sa mga organizers that we will allow doon sa may Bonny Serrano to park buses,” dagdag niya.

Sinabi naman ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na maglalagay ng portable toilets, ambulansya, medical teams, fire suppression units, at iba pang emergency services.

“We just hope that everything is done within the bounds of the law and the laws of decency. And leaving certain is decency para sa lahat ay makapag-express kung anong gusto nila sabihin,” ani Torre. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here