MANILA, Philippines – Nagsampa si Teacher Barry Tayam ng petisyon sa Korte Suprema (SC) na humihiling ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagtanggal ng Department of Education (DepEd) sa apat na academic strands.
Sa 24-pahinang petisyon, hiniling ni Tayam sa SC na magpalabas ng TRO at/o status quo ante order para pigilan ang mga respondent sa pagpapatupad ng DepEd Memorandum 012, series of 2026.
Ang memorandum ay nag-uutos ng pagbuwag sa Accountancy, Business, and Management (ABM); Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM); Humanities and Social Sciences (HUMSS); at General Academic (GA) strands para sa Grades 11 at 12.
Sa ilalim ng binagong curriculum, gagawing dalawang pangunahing pathway ang sistema: Academic at Technical-Professional.
Bukod dito, hiniling din ni Tayam sa SC na itakda ang kaso para sa oral arguments.
Hiniling din niya na ideklara ang memorandum bilang labag sa konstitusyon at walang bisa dahil inilabas ito nang may grave abuse of discretion na katumbas ng kawalan o paglampas sa jurisdiction.
Hiniling din ni Tayam sa Korte Suprema na iutos ang permanenteng pagpapanatili at pagpapatupad ng Basic Education Curriculum, na aniya ay magpapanatili ng 15 core subjects at ng tradisyonal na SHS strands. Humiling din siya na sa Tagalog ilabas ng SC ang desisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden