MANILA — Nagbabala si US President Donald Trump ng matinding kapalit sakaling mapatunayang may planong pag-atake ang Iran gamit ang tinatawag na dirty bomb sa Washington, D.C.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Maynila nitong Martes, Nobyembre 17, sinabi ni Trump na seryosong sinusuri ng kanyang administrasyon ang ulat tungkol sa posibleng pag-atake.
“We’re looking into it,” ani Trump.
Ayon sa Pangulo, haharap ang Iran sa matinding kapalit kung magkakaroon ng pag-atake laban sa Estados Unidos.
Nag-ugat ang usapin sa eksklusibong ulat ng CNN, na nagsabing may intelligence information ang US tungkol sa umano’y paghahanda ng Iran sa posibleng dirty bomb o chemical weapon attack na maaaring tumarget sa matataas na opisyal ng administrasyong Trump.
Gayunman, sinabi ng White House sa CNN na wala pang natutukoy na kapani-paniwalang banta sa seguridad ng US, bagaman patuloy ang kanilang pagbabantay.
Itinanggi naman ng Iranian Foreign Ministry ang alegasyon at tinawag itong walang batayan, ayon sa Reuters.
Ang dirty bomb ay gumagamit ng karaniwang pampasabog upang magpakalat ng radioactive material. Hindi ito katulad ng nuclear bomb na nagdudulot ng nuclear explosion.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon na may nakatakda o nalalapit na pag-atake sa Washington. RNT