Home METRO Tserman, anak itinumba sa kalsada

Tserman, anak itinumba sa kalsada

ILOCOS SUR-Patay ang 52-anyos na tserman ng barangay at ang 24-anyos na lalaking anak nito matapos silang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek o mga suspek sa Brgy. Lapting, San Juan ng lalawigang ito kagabi.

Kinilala ng San Juan Municipal Police Station ang mga biktima na sina Punong Barangay Bello Joseph Valorozo y Padua at ang anak nitong si Jumar Valorozo y Sotelo, 24, walang asawa, parehong residente ng Brgy. Caronoan, San Juan, Ilocos Sur.

Nabatid na nakasakay ng Mitsubishi mv 1000 van at bumibiyahe sila sa national highway sa naturang lugar nang pagbabarilin ng suspek o ng mga suspek na nakasakay ng motorsiklo.

Ang mga biktima ay parehong nagtamo ng mga gunshot wound sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Isinugod sa Suero General Hospital ang naturang barangay tserman ngunit idineklarang patay na ng umatending doktor samantalang ang anak nito ay dinala naman sa Pira Hospital sa Cabugao, Ilocos Sur at pagkatapos ay inilipat sa Northside Doctors Hospital sa Bantay, Ilocos Sur subalit namatay din.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para tuklasin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin. Rolando S. Gamoso