Home NATIONWIDE Tsina, itinangging banta sa anumang bansa kasunod ng hypersonic missile threat ni...

Tsina, itinangging banta sa anumang bansa kasunod ng hypersonic missile threat ni Sen. Imee

MANILA, Philippines – PINABULAANAN ng Tsina na banta ito sa anumang bansa kasunod ng kamakailan lamang na pahayag ni Senator Imee Marcos na plano ng Beijing na gumamit ng hypersonic missiles target ang military installations sa Pilipinas.

“I’m not sure what the Philippine side’s source was, but I can tell you that China is committed to peaceful development and a national defense policy that is defensive in nature, and China does not pose a threat to any country,” ayon kay China Foreign Ministry spokesperson Mao Ning.

Nauna rito, labis na ikinabahala ng senadora ang plano umano ng China na ­gumamit ng hypersonic missiles laban sa mga base militar sa ilalim ng Enhanced Defense ­Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sinabi ni Marcos, na tatargetin ng hypersonic missiles ang mga EDCA sites sa bansa dahil sa tingin umano ng China ay kumampi na ang Pilipinas sa kalaban nila.

Ang Hypersonic missiles ay isang uri ng armas na may kakayahang lumipad sa target ng lima hanggang 25 beses na bilis sa tunog nito.

Hindi naman ibinunyag ni Marcos kung saan niya nakuha ang impormasyon.

Gayunman, nagbabala ang Tsina na papalag at kikilos ito pagdating sa kanilang territorial rights.

“That said, we will certainly not sit by and watch when our legitimate rights and interests and regional peace and stability are being violated or under threat,” ayon pa rin kay spokesperson Mao Ning.

“We urge relevant country to listen to the concerns its people have and the call from other countries in the region, bear in mind the fundamental interests of its own people, stay independent, good-neighborliness and friendship, earnestly respect other countries’ security concerns, and act to keep the region peaceful and stable,” aniya pa rin.

Samantala, patuloy namang umiigting ang tensyon sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS) kasunod ng kamakailan lamang na ‘acts of aggression’ ng Beijing.

Subalit, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kamakailan lamang ay nagsagawa ng bilateral meeting ang Pilipinas at Tsina sa Maynila sa layuning pagaanin at pangasiwaan ang pagtatalo sa WPS. Kris Jose